This is an original literary piece of mine and was published in 2011 in an Official Literary Folio of the student publication of the University where I got my degree course.
Hindi pa rin niya nakakalimutan ang nangyari tatlong araw
na ang nakalipas. Tatlong araw na rin siyang hindi nakakatulog nang maayos.
Paulit-ulit ang mga brutal na eksena ng gabing iyon. Parang hayop na
kinakatay ang isang hubad na babae na walang kalaban-laban.
Nanlaki ang kanyang mga mata sa nakita. Hindi niya
akalaing makakasaksi siya ng ganoong pangyayari. Bago pa man tuluyang mawalan
ng ulirat ang babaeng kasalukuyang pinagsasasaksak ng dalwang kalalakihan,
napasigaw siya nang iturok ng isang lalaki ang patalim sa may kaliwang sa
dibdib. Napalingon ang isang lalaki sa kinaroroonan niya, ngunit bago pa man
siya makita ay naikubli na niya ang sarili sa malaking puno at unti-unting
gumapang sa lupa nang sa gayon ay maikubli ang sarili sa malalabong na damuhan.
Narinig niyang nagsalita ang isa sa mga lalaki na inutusan ang isa na puntahan
ang kinaroroonan ng sigaw. Kinabahan siya. Pinagpapawisan na siya sa takot.
Bumilis ang kanyang paggapang. Salamat na lamang dahil mayayabong ang mga damo
doon at hindi siya agad-agad matatagpuan. Nang masiguro niyang hindi na siya
makikita, tumayo sa at tumakbo palayo sa lugar na iyon.
Binalikan
niya ang mga pangyayari kung bakit napadaan siya sa lugar na iyon. Pauwi siya
galing sa bahay ng kaibigan niya na nagdaos ng kaarawan. Umuwi siya ng mag-isa
dahil ayaw pang umuwi ng mga kasamahan niya. Dahil malayo pa ang sakayan, at
wala na siyang nakikita palabas sa subdibisyong hindi pa masyadong matao dahil
kakasimula pa lang idevelop ang malawak na lupaing iyon. Nakakuha agad ng lote
ang kanyang kaibigan dahil mura pa, parte ng promotion ng subdibisyong iyon. At
hindi rin natagalan natapos din ang bahay at saktong doon din idinaos ang
kaarawan ng kaibigan. Kaunti pa lamang ang mga bahay, at ang labasan ng
subdibisyong iyon ay isang kilometro pa ang layo. Unang pagkakataon niya iyong
makapunta doon kaya hindi pa masyadong kabisado ang lugar. Napadaan sa sa lugar
na iyon nang hindi inaasahan, nakarinig siya ng boses ng isang babaeng
sumisigaw at nagmamakaawa at dalawang lalaking parang hayop kung tumawa. Nagkubli
muna siya sa malaking puno bago tuluyang nakita ang pangyayari.
Natigilan
siya sa paglalakad at kakaisip nang makita niya ang larawan ng isang babae na
nasa labas ng isang punerarya. Sanay na siya sa ganoong mga tanawin, dahil lagi
siyang napapadaan dito kung binibisita niya ang kanyang tiya. Pamilyar sa kanya
ang mukha ng babae. Hindi lang niya maalala kung saan niya ito nakita. Dahil sa
likas na kyuryusidad, pumasok siya sa loob ng punerarya at nilapitan ang mga
labi ng babae. Hindi niya pinansin ang mga tao na nakatingin sa kanya. Marahil
ay nagtataka sila kung sino ang babaeng lumalapit sa kanilang kamag-anak.
Nagpatuloy siya sa paglalakad hanggang sa marating niya ang kinaroroonan ng namayapang
tao. May nakita siyang marka sa kanang bahagi ng mukha na siyang nagpaalala sa
kanyang nasaksihan tatlong araw na ang nakalipas. Hindi siya maaaring
magkamali, kahit medyo madilim ang lugar, nakatulong ang flashlight na dala ng
isa sa mga salarin upang makita niya mukha ng biktima at ng kanyag kasabwat. Bago
pa siya makasigaw noon, nakita na niyang sinugatan ng isang lalaki ang mukha ng
babae.
Nanginig
ang kanyang tuhod. Pilit kinukondisyon ang sarili at nagpasyang lumayo sa lugar
na iyon. Ngunit, bago pa man siya tuluyang talikuran ang labing iyon, hindi
niya namalayang lumapit ang isang ginang na umiiyak.
“Magtatapos
na sana siya sa susunod na buwan, ngunit may mga hayop na lumapastangan sa
kanya. Walang ni isang testigo. Natagpuan na lang siyang..”, hikbi ng ginang at
nagpatloy, “hubo’t hubad at puno ng saksak ng patalim ang buong katawan sa
isang bakanteng lote”.
Nanginginig
pa rin siya. Wala ni isang saksi. Walang makapagtuturo kung sino ang mga
salarin. Wala ni isa. Ngunit meron. Kaya lamang ay natatakot siyang masangkot
sa isang gulo. Hindi man niya kilala ang ginang, nararamdaman niya ang sakit na
nararamdaman ng pagkawala ng babaeng nasa malamig na higaan na may salamin sa
ibabaw.
“Kaibigan
ka ba niya?”, pagtatanong ng ginang sa kanya. “Hindi kita nakita sa mga larawan
ng anak ko. Kakarating ko lang kasi galing sa ibang bansa, nagbabakasakali na
magkaroon kami ng magandang buhay ng anak ko”. Umiling lamang siya. Hindi niya
kayang maisatinig ang boses na nanginginig. Nakokonsensiya siya kahit pa man
hindi siya ang pumatay. Nag-ipon siya nang lakas ng loob upang sabihin ang
katotohanan at ang kanyang nasaksihan.
“Hindi
po niya ako kaibigan”, naisatinig niya ngunit bago pa man iyon narining ng
ginang, lumingon ito sa pintuan nang may dalawang pulis na papasok. Tumingin
ang ginang sa kanya, nagpapahiwatig na iiwan muna siya, bago tumayo at tinungo
ang mga pulis. Hinabol niya ng tingin ng ginang. Hindi niya maipalawanag ang
kanyang kabang naramdaman nang makita niya ang dalawang pulis. Nais na sana
niyang lisanin ang lugar na iyon at manahimik habang-buhay. Minumulto siya nang
nakaraan. Hindi niya kayang isakripisyo ang kanyang kinabukasan para lamang sa
taong hindi niya kaanu-ano. Lumingon siya ulit sa nakahimlay na katawan sa
malamig na higaan. Paulit-ulit na naririnig niya ang pagmamakaawa ng babae.
Paulit-ulit na nilapastangan nang walang kalaban-laban.
Umalis
na ang mga pulis, at nakatitig pa rin siya sa babaeng biktima. Kailangan niyang
magpasya ngayon. Babae rin siya. Paano kung siya ang nasa kalagayan ng babaeng
biktima, at ang babaeng biktima ang naging testigo sa lahat-lahat, mananatili
rin bang hindi mabibigyan ng hustisya ang kanyang pagkamatay?
Nakalapit
ulit ang ginang sa kanya. Sa pagkakataong ito, umupo sila sa isang sulok. At
doon, ipinagtapat niya ang lahat nang nakita niya noong gabing nawalan ng buhay
ang babaeng walang kalaban-laban. Napakaliit ng mundo.
“Napakaliit
ng mundo. Sa dinami-daming humawak sa kaso ng anak nyo, ang mga salarin pa ang
nakahawak”, galit na ngayon ang kanyang nararamdaman sa kadahilanang mga alagad
pa ng batas ang gagawa ng krimen. Natatakot man siya sa maaaring kahinatnan ng
kanyang pagtatapat, ayaw na niyang tumakbo pa. Ayaw na niyang maulit ang
pagkakamali ng nakaraan. Namatay ang kanyang ama walong taon na ang nakakaraan.
Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin nabibigyan ng hustisya.
“Nais ko po sanang tumistigo sa kaso ng anak nyo”.
Tuluyan ng bumuhos ang luha ng ginang. Luha ng
kaligayahan dahil sa wakas mabibigyan na niya ng hustisya ang pagkamatay ng
nag-iisang anak.
Pagkatapos mailibing ang anak ng ginang, nagpunta agad
sila kinauukulan at pormal na nagsampa ng kaso laban sa dalawang pulis na
lumapastangan sa babae. Naibigay na ng saksi ang kanyang pahayag at bawat
detalyeng nais malaman ng imbistigador. Naghiwalay ang ginang at ang saksi nang
maluwag ang damdamin.
Pauwi na siya sa kanyang tinutuluyan ng gabing iyon.
Masaya, malinis ang konsensiya dahil nailabas na niya ang katotohanan. Sanay na
siya ng naglalakad galing labasan papunta sa looban nang nag-iisa. Kahit anong
oras pa siya umuuwi, wala namang nagtatangka ng masama sa kanya. Magalang ang
mga tao na nasa daan. Kung may mga tambay man, kilala na niya iyon at sanay na
siya sa mga ugali nito. Sa wakas! Makakapagpahinga na rin siya nang maayos.
Makakatulog na rin siya ng maayos. Kinuha niya ang susi sa kanyang bag.
Inilapit sa kandado ang susi. At bago pa man tuluyang naabot ang kandado,
naramdaman niya ang isang malamig na bagay na bumaon sa kanyang tagiliran at
pagkatapos ng ilang sandal napalitan iyon ng mainit na tubig na umaagos mula
dito. Masakit. Hindi na niya kaya pa ang nakatayo. Hindi na niya kayang hawakan
pa ang kandado at tuluyan na siyang nahimlay sa malamig na lupa at wala nang
ibang makita kundi ang kadilimang bumabalot sa paligid.
Comments
Post a Comment