Kalayaang Para sa Iilan Lamang



Published in 2011 (Magazine-Tabloid) of an Official Student Publication of the University 

Nabuhayan ako ng loob nang mapanood ko ang isang Indian film. Isang pelikulang tungkol sa dalawang magkaibang henerasyon ngunit iisa ang naging kapalaran. Iba-iba man ang napagdaanan at mga dahilan, nauwi pa rin ang lahat sa katuparan ng nag-iisang mithiin-KALAYAAN. Ang nakamamangha pa nito ay ang  mismong mga karakter na nanguna upang makamit ang kalayaan. Hindi sila yaong mga galing sa nakatataas kundi sila ay limang kabataang kolehiyo lamang. Mga ordinaryong tao na nagbuwis ng buhay upang maipaglaban ang kanilang pagkakaibigan at karapatang makamit ang hustisya. Ang pagkamatay nila ang naging pamukaw sa loob ng bawat tao  na maghimagsik laban sa gobyernong kurakot. At dahil doon, natutong mag-alsa ang mga mamamayan sa pamamagitan ng pagdaos ng mga kilos-protesta hanggang sa makamit nila ang hustisya at ang karapatang magkaroon ng malinis na gobyerno.
         Sa gitna ng aking panonood, naalala ko ang ating mga bayani na nooy nagbuwis din ng kanilang mga buhay upang labanan ang mga mananakop:  Hapon, Amerikano at hanggang sa 333 na taong pang-aabuso ng mga Espanyol. Ang huli ang sumakop sa atin sa loob ng 333 taon. Napakatagal.
Ngunit, sa tuwing napapanood ko sa telebisyon ang mga balitang nagpapamukha sa patuloy na paglobo ng populasyon, ng walang trabaho at walang kinakain, dumadaming krimen ng pagnanakaw at pagpatay, kurapsyon, naiisip ko kung ano na ang naging kaunlaran ng bansa. Naging isang bulong sa hangin na lang kaya ang mga sakripisyo ng ating mga bayani?
Nasaan na ang mga tunay  na Pilipino? Mga taong may malasakit sa bansang Pilipinas. Unti-unti na ba silang nilalagas ng gobyerno o ng mga opisyal sa gobyerno? Ang mga aktibong mamamayan na patuloy sa pakikipaglaban upang magkaroon ng patas na karapatan ang mga mayayaman at mahihirap ay pinapatawan ng isang malalaking parusa-kamatayan.
Masama bang isaboses ang ating mga karapatan at kaalaman sa mga anumalyang nangyayari sa ating pamahalaan? Masama bang maghangad ng kabutihan para sa karamihan? Maraming katanungan na hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa akin kung aling daan ang aking tatahakin. Ilang buwan na lang at magtatapos na ako. Ngunit natatakot ako kung saan ako dadalhin ng aking kaisipan. Marami ang nagsasabi na nakikita nila ako bilang isa sa mga mandirigma para sa karapatan ng mamamayan pag-alis ko dito sa Unibersidad. Nasabi ko na lamang sa sarili na siguro nga nasa labas ang totoong laban.

TRAPO (Traditional Politician), Dumadami at Nagkalat

Hanggang ngayon, nanlulumo ako sa aking mga nalalaman na alam kong hindi ko kayang harapin na mag-isa. Oo, aking mga nalalaman, hindi lamang sa pang-akademikong larangan kundi na rin sa mga nangyayari sa politika. Nanlulumo ako sa tuwing naririnig ko ang mga hinaing ng aking mga kababayan lalong lalo na kung alam ko na wala akong magagawa kundi ang makinig na lamang. Sino ba naman ako, kundi hamak na estudyante lamang ng isang Unibersidad na pinapatakbo ng gobyerno? Inaamin ko, iiral at iiral ang aking pagiging makasarili sa likod ng isang mandirigma kung pamilya ko na ang masasaktan.
Minsan na kaming naging biktima ng kapangyarihan sa politika. Ang mga inaakala nating mga opisyal ng gobyerno na tutulong sa atin sa oras ng ating pangangailangan ay ginagamit lang pala tayo sa sariling kapakanan. Ngayon ko lang napagtanto ang lahat. Lahat ay kayang maniobrahin ng mga taong nasa likod ng ating kahirapan. Kahit anong pilit mong umahon, hahatakin at hahatakin ka pa rin nila pababa. 
“Iboto nyo kami at gagawin naming iskolars ang inyong mga anak”, “Iboto nyo kami at bibigyan namin kayo ng Philhealth card”, dahil kung hindi, tatanggalan ng scholarship ang mga dati ay iskolars na at hindi mabibiyayaan ng Philhealth card ang mga wala pa. Maswerte ang mga angat sa buhay dahil kaya nilang bayaran ang pangangailangan ng kanilang mga estudyante at kaya din nilang bayaran ang hospital sakaling magkasakit man sila. Sa panahon ng eleksyon ilang araw bago ang itinakdang halalan, rarampa ang mga papel na may nakasulat na Pangalan, Precint No., Address at Signature. Iisa-isahin ang mga bahay at pasusulatan kung ano man ang kailangan ng papel na iyon. Siguridad na talagang mananalo ang kandidato. Kung hindi ka susulat at lalagda, ihanda mo na ang iyong sarili na wala kang matatanggap na benipisyo mula sa kanila kapag sila ay naupo.
Naging uto-uto naman tayong lahat. Pumapayag tayong utuin ng mga taong tulad nila. Kung tutuusin, sa atin din naman galing ang mga perang ginastos ng mga “scholarships”. Pera ‘yan ng taong bayan. Binabayaran natin ang mga buwayang iyan para mangalaga ng ating pera. Binabayaran natin sila, pinapakain, binihisan pero ito ang isusukli sa atin. Mga pananakot na hindi makakabenipisyo sa mga “social services”. Sino ba ang opisyal ng gobyerno ang naghirap? Siguro isa,dalawa,tatlo o apat, mabibilang lamang. Ngunit ang mga umaasenso ay dumadami. Kaya nga naglalabas ng malaking pera sa panahon ng kampanya dahil alam nila na mababawi at mababawi nila iyon. Ang mga pangyayaring ito, alam ko, ay hindi na rin lingid sa inyong kaalaman. Maaari, na ang bawat isa sa atin ay may takot na magsalita dahil sa magiging resulta. Ako din, natatakot. Ngunit sino ang magsasalita kung lahat tayo ay matatakot? Mananatili na lang ba tayong manhid sa katotohanan?

EDUKASYON ang SAGOT?

Naalala ko ang aking ama ng minsan na siya ay nagpayo sa akin, “Mag-aral ka nang mabuti nang sa gayon ay makakuha ka ng magandang trabaho at hindi ka kayang apakan ng kahit sino, maging ng gobyerno. Huwag kang aasa sa gobyerno dahil magugutom ka lang. Magsikap ka na umunlad hindi dahil sa gobyerno kundi dahil sa sarili mong kakayahan. Wala ka ng aasahan sa gobyerno. Lahat sila kurakot at puro pansariling interes lamang ang hangad.” Sa isip ko, tama ang aking ama. Nagsumikap siyang mabuti nang sa gayon ako ang makapag-aral. Kayod mula madaling-araw hanggang gabi sa sakahan nang gumanda ang ani. Ngunit, sa mga nangyayari sa amin, naiisip ko babalik at babalik tayong lahat sa ating pamahalaan dahil nasa ilalim tayo ng kanilang saklaw. Binigyan natin sila ng kapangyarihang makialam sa ating mga buhay.
Mahal ang mga medisina at pestisidyo ngunit mura naman ang pagbili ng aming mga inaani. Kung bibili naman kami ng bigas sa merkado ay napakamahal naman. Nakakapanlumo. Hindi balanse ang pagtrato. Mas pinapaboran ang mga negosyante kaysa sa mga magsasaka. Ang magsasaka na dugo at pawis ang inalay para makaani.
Naiintindihan namin kung bakit tumataas ang bilihin pagdating sa merkado dahil pinapatawan din naman sila ng malalaking buwis. Kami ring mga pamilya ng magsasaka pinapatawan din naman. Pero hanggang ngayon, lubak-lubak pa din ang aming daan. Sayang pa naman ang limousine ni Mayor masisira sa kakabaybay nito. ‘Di ba’t sa mga imprastraktura napupunta ang ilang bahagi ng  mga buwis?

Ano nga Ba? 

Minsan, nagdadalawang isip tayo kung alin ang ating paniniwalaan; ang ating nakikita o ang naririnig. Kung ako ang papipiliin, mas mabuti kung nasa gitna ako nang sa gayon pagbabasehan ko kung ano ang hindi ko nakikita at ang hindi ko naririnig. Sa panahon ngayon, napakahirap ng paniwalaan ang mga naglipanang konkretong ebedinsyang nasa papel na ating nakikita dahil kaya na iyong maniobrahin. Ngunit ang puso at karanasan ng mga taong biktima ay hindi kailanman malilinlang. Naisip ko tuloy na ang mga nasa posisyon sa gobyerno lamang ang may kalayaang gawin ang lahat ng gusto nilang gawin kahit ipapatay pa tayong lahat dahil sila ang may hawak ng batas. Sila ang nagmamaniobra ng batas.
Kung alam lang sana ng ating mga bayani na ganito pa rin ang mangyayari sa kasalukuyan, talamak na kurakot at kahirapan pa rin ang bumabalot sa sangkatauhan, siguro hindi na nila ibinuwis pa ang kanilang mga buhay para sa mga walang kwentang Pilipino. OO, tayo, ikaw at ako. Ang masaklap nito, nakikipaglaban tayo makamit lang ang kalayaan mula sa kapwa natin Pilipino. Kung kaya, hindi natin masisisi ang matatalino nating mga kababayan na manilbihan sa ibang bansa kung saan pantay-pantay ang kanilang karapatan – mayaman man o hindi.
Nawalan lahat ng saysay ang ipinaglaban ng ating mga bayani. Paano kaya kung hindi nila ipinaglaban an gating kalayaan mula sa mga Amerikano? Siguro maunlad tayo ngayon. Walang mangugurakot at magnanakaw sa kaban ng taong bayan.Paano kung habang-buhay tayong nasakop ng mga hapon? Siguro hindi tayo salat sa maka-agham na teknolohiya para sa agrikultura. Mayaman pa naman sana tayo sa agrikultura. Paano kaya kung habang-buhay rin tayong nasakop ng mga Espanyol?
Haay, naku… Puro na lang tayo paano. Nasaan na ang sinasabing demokrasya kung ang mga taong bayan ay magsasalita sa mga anumalya sa gobyerno, tapos papatayin din naman? Ang taong maraming alam tungkol sa anumalya sa gobyerno ay nakikitil ang buhay at habang buhay na tinanggalan ng kalayaang magsalita na magdadala sana sa atin sa matuwid at malinis na landas.
Nakasaad sa ating batas sa ilalim ng ating Konstitusyon, Artikulo III ang karapatang maging malaya. Ngunit alam din natin na limitado ang ating kalayaan dahil sa oras na matapakan natin ang kalayaan ng iba, nawawalan na ng bisa ang batas na ginawa para sa kapayapaan.
Habang papalapit ang pagtatapos ko, lalo naman akong kinakabahan. Natatakot ako. Paano na kung magtatapos na ako? Saan ko pa maisasaboses ang aking karapatan bilang kabataan? Dito sa Unibersidad alam ko na ligtas tayong mga mandirigma. Ngunit, sa labas, masasabi nating kailangan natin lagi ng panangga sa mga bala na maaaring paliparin papunta sa ating mga noo. Natatakot ako baka maging isa na lang ako sa mga taong tumatahimik dahil walang magawa. Natatakot ako dahil baka lubusan na akong maging bulag, bingi at pipi sa katotohanan. Natatakot akong makalimutan ang KALAYAAN.
 
 (Note: Not everything written here was published in that release. There were some paragraphs were taken due to the editor's discretion.)



Comments